Patay ang isang team leader ng Land Transportation Office (LTO) sa Caraga, at sugatan ang dalawa pa niyang kasamahan matapos silang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Surigao City.

Sa GMA News TV "QRT" nitong Miyerkoles, kinilala ang nasawi na si Felixberto Loayon, habang sugatan naman sina Rene Sinangute at Fredie Wabina.

Nakaligtas ang isa pa nilang kasamahan.

Ayon sa pulisya, nanggaling sa operasyon ang mga biktima nang mangyari ang pananambang.

Hindi na umano huminto ang mga biktima matapos ang pananambang at dumiretso na sa ospital para magamot ang mga sugatan.

Mariing kinondena ng LTO ang pananambang, at nakikipag-ugnayan na LTO-Caraga sa imbestigasyon.

Nagpaabot naman ng tulong ang ahensiya sa mga kaanak ng mga biktima.--Jamil Santos/FRJ, GMA News