Mula nitong Enero, 296 na ang kaso ng dengue sa Lambunao, Iloilo.

Ayon sa provincial health office, isa na ang nasawi.

Sa ulat ni Jam Sisante Cayco sa Unang Hirit ngayong Miyerkoles, kabilang sa mga na-dengue doon ang mismong alkalde ng bayan na si Lambunao Mayor Reynor Gonzales.

Nasa maayos na siyang kalagayan ngayon. Mas pinaigting ang kampanya kontra-dengue at information drive ng LGU.

Nagkasa naman ng provincial clean-up drive sa buong Sorsogon dahil din sa pagtaas ng kaso ng dengue.

Nilinis pati ang mga naipong tubig mula sa mga pag-ulan nitong mga nakaraang araw.

Ang mga ito kasi ang pwedeng pamugaran ng mga lamok na nagdadala ng dengue.

Naglaan na ng dengue lane sa provincial hospital.

Sa tala ng provincial health office, mahigit 800 na ang kaso ng dengue sa lalawigan, habang pito na ang nasawi.

Naglaan na ng dengue lane sa provincial hospital.

Nagsagawa naman ng fogging at misting operations sa Tacurong City sa Sultan Kudarat bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra-dengue ng LGU.

Limang barangay na kasi ang idineklarang high-risk area sa dengue.

Sa buong lalawigan, mahigit isanlibo na ang kaso ng dengue.

Labinsiyam na ang nasawi, ayon sa DOH-Sultan Kudarat.

Sa datos ng DOH, mula January 1 hanggang June 29 ngayong taon, aabot na sa mahigit sandaang libo ang kaso ng dengue sa bansa.

Walumpu't limang porsyento ang taas nito kumpara sa parehong panahon noong 2018.

Pinakamaraming kaso ay mula sa Western Visayas. —JST, GMA News