Isang lalaki sa Abra na ikinadena umano ng sariling ama ang nakatakas at nakarating sa Ilocos Sur, ayon sa ulat ni Cedric Castillo sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Sa cellphone video na kuha ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council sa Bantay, Ilocos Sur, makikita ang isang lalaking hila-hila ang kadenang nakapalupot sa kanyang tiyan, base sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Amianan.

Nakita raw siya ng mga residente sa isang bus terminal doon.

Ayon sa MDRRMC, humingi ng tulong ang lalaki para tanggalin ang kadena.

Gamit ang bolt cutter, matagumpay itong naputol ng mga sumaklolo.

Wala raw ibang pagkakakilanlan ang lalaki maliban sa residente raw ito ng Abra, ayon sa MDRRMC.

Nakarating daw siya sa Ilocos Sur matapos sumakay sa isang bus nang makatakas siya mula sa pagkakagapos na kagagawan daw ng kanyang ama.

Bakas ang pangingitim sa kanyang tiyan at higpit ng kadenang kinakalawang na halos isang kilo ang bigat.

Ayon sa pulisya at sa MDRRMC, wala namang indikasyon na may diperensiya sa pag-iisip ang lalaki.

Pinaalis na raw nila ang lalaki at naghanap ito ng kamag-anak. —KG, GMA News