Patay na at may tama ng bala nang matagpuan ang isang lalaking nagba-buy-and-sell ng sasakyan sa Noveleta, Cavite. Huli siyang nakitang buhay para katagpuin ang dalawang lalaki na interesado raw na bumili ng pickup truck.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, kinilala ang biktimang si Manuel Tolentino, na dinukot tanghali ng Martes sa Imus.

May dalawang lalaki na nagpakilalang bibili kay Tolentino ng sasakyan at iro-road test ang isang pickup truck.

Pero mula noon ay hindi na nakabalik pa si Tolentino sa kaniyang pamilya.

Nitong Biyernes ng umaga, natagpuan ang bangkay ni Tolentino sa isang subdivision matapos magreklamo ang ilang residente na may masangsang na amoy sa lugar.

Naaagnas na ang katawan ng biktima, nakapiring ang mga mata at may tatlong tama ng bala sa katawan.

Nakilala ng mga kaanak ang bangkay ni Tolentino dahil sa suot niyang damit.

Naaresto naman ang dalawang suspek noong Miyerkoles, ang araw na natunton ng mga awtoridad ang ni-road test na sasakyan.

Umamin ang mga suspek sa krimen at nahaharap sa mga reklamo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News