Nasawi ang isang apat na taong gulang na bata matapos siyang bugbugin umano ng nakainom niyang ina sa Norzagaray, Bulacan.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing namatay ang batang si Argine nang bugbugin umano ng kaniyang inang si Claudine Valdez noong Enero 26.
Nagawa pang isugod sa ospital ang bata na wala nang malay pero binawian din ng buhay habang ginagamot.
"'Yung bata po ay laging sinasaktan ng magulang tuwing nakakainom. Noong January 26 po ay nag-inom po itong nanay, ikinulong na naman 'yung mga bata. Pagdating nu'ng nanay, lasing po, nasaktan na naman po itong bata," sabi ni Police Senior Master Sergeant Ricarte Gallos ng Norzagaray, Bulacan.
"Naiinis daw siya, sir, at (dumumi). Sabi ko, 'Gano'n? Gano'n lang ang ginawa mo? Pinatay mo na?'" ani Zenaida Relente ng Barangay Anti-Drug Abuse Council ng Barangay Minuyan.
Bago nito, may nagsumbong na rin sa kanila na ikinukulong ng ina ang maliliit niyang anak sa kanilang bahay, pero nangako noon ang suspek na hindi na ito uulitin.
Nakatanggap din ng ulat ang barangay na pinagtutulungang bugbugin ng ginang at ng kaniyang live-in partner ang mga bata sa tuwing malalasing sila.
"May bukol po dito, sir o, dito (ulo). Tapos may mga pasa dito (panga), marami, sir 'yung dito niya," ayon pa kay Relente.
Labis na nagsisisi si Lola Cleofe, ang lola ng mga biktima.
Matagal na aniya niyang gustong kunin ang mga apo pero hindi pumayag ang kaniyang anak.
Halos hindi mapatahan ang lola nang makita niya ang nakaburol nang si Argine.
May duda rin siyang nagdo-droga si Valdez dahil nag-iba umano ang pakikitungo ng suspek sa mga tao.
Kinukumpirma pa ng mga awtoridad kung tunay na gumagamit ng droga ang mga suspek.
Kulungan ang bagsak ni Valdez at ng kaniyang kinakasama. Nahaharap ang ginang sa kasong parricide samantalang accessory to the crime naman ang live-in partner.
"Nagsisi po," sabi ni Valdez.
"Sa husgado na lang po. Hindi na po kami magpapa-interview," sabi ni Raymart Nuqui, kinakasama ni Valdez. —Jamil Santos/KG, GMA News
