Isa na namang truck ang nagkaaberya at umatras patungo sa isang bahay at naipit sa gulong at nasawi ang isang batang natutulog sa Glan, Sarangani.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Rufino Alegado, anim na taong gulang.

Halos isang oras na pinagtulungang ng mga tao na sagipin si Alegado mula sa pagkakaipit sa gulong.  Naisugod pa siya sa ospital pero binawian din ng buhay.

READ: Batang ina at 3-buwang-gulang niyang anak, patay sa rumaragasang truck sa Bulacan

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad,  idinahilan umano ng driver ng truck na pumalya ang makina ng kaniyang sasakyan na kargado ng mga mais habang paakyat sa pataas na bahagi ng daan nitong Huwebes ng gabi.

Umatras ang sasakyan at nagtuloy-tuloy sa bahay ng pamilya ng biktima.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang driver ng truck na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.

Hindi pa siya nagbibigay ng pahayag.--FRJ, GMA News