Apat na magkakaanak ang nasawi, kabilang ang isang buntis, nang bumangga ang sinasakyan nilang kotse sa kasalubong na truck sa Gumaca, Quezon.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing dead on arrival sa ospital ang mga biktima na patungo sana sa Maynila.

Kritikal naman ang lagay sa ospital ng isa pa nilang kasama.

Ayon sa pulisya, nang-agaw umano ng linya sa Maharlika highway ang kotse kaya ito sumalpok sa kasalubong na truck na papunta namang Bicol.

Kapwa raw mabilis ang takbo ng dalawang sasakyan at sa lakas ng banggaan ay halos madurog ang unahan ng kotse.

Nasa kostudiya naman ng mga awtoridad ang driver ng truck na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injury and damage to property.-- FRJ, GMA News