Inaresto ng mga pulis ang 14 na residente at motorista sa Datu Montawal, Maguindanao dahil wala silang suot na face mask bilang proteksyon laban sa COVID-19.
Ayon sa isang ulat sa 24 Oras News Alert ng GMA News nitong Linggo, sa checkpoint daw nasita ng mga pulis ang mga nahuli.
Dinala sila sa istasyon ng pulis kung saan sila ipinagpaliwanag kung bakit wala silang suot na face mask.
Muling hinikayat ng mga pulis ang publiko na palaging magsuot ng face mask upang hindi sila mahuli at maprotektahan ang kanilang mga sarili laban sa COVID-19.
Sa kasalukuyan ay lampas 6,000 kaso na ng COVID-19 ang naitala sa buong Pilipinas, kasama na ang 516 pasyenteng gumaling at 397 na ang namatay. —Julia Mari Ornedo/LBG, GMA News
