Patay ang isang kolehiyala na kandidata sa pagiging summa cum laude matapos siyang pagsasaksakin at pagnakawan sa loob ng kanilang bahay sa Olongapo City.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Jennifer Dela Cruz-Ablaza, na nakatakda sanang magtapos sa kursong BS Education.

Natagpuan ang biktima na wala nang buhay at may mga saksak sa leeg noong November 2 sa loob ng kanilang bahay.

Tinangay pa ng salarin ang P4,000 halaga ng pera at mga alahas, pero naiwan niya ang isang itim na leather wallet.

Ayon sa ulat, tinukoy naman ng kapatid ni Jennifer na pagmamay-ari ng dating nobyo ng ate ng biktima ang wallet.

Dahil dito, hinanap ng mga awtoridad ang suspek at nadakip siya sa San Marcelino, Zambales.

Nahaharap sa kasong robbery with homicide ang suspek, na hindi pa nagbibigay ng pahayag. --Jamil Santos/FRJ/KG, GMA News