CANDELARIA, Quezon - Naaresto sa isang buy-bust operation ng mga operatiba ng Candelaria Municipal Police Station (MPS) pasado alas-tres ng madaling araw nitong Sabado ang fliptop rapper na si Jason Yap Rodriguez o mas kilala sa tawag na J-Skeelz, 37-anyos.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Arnulfo Selencio, tumutuloy sa Quezon Premiere Hotel sa Barangay Masin Sur, Candelaria, Quezon ang rapper. 

Isang pulis ang nagpanggap na buyer at nakabili ito umano kay Rodriguez ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P1,000.

Nakuha pa sa suspek ang dalawa pang plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Matapos ang imbentaryo sa mga ebidensiya ay dinala sa Quezon Provincial Crime Laboratory ang mga plastic sachet upang masuri.

Nakapiit ngayon sa custodial facility ng Candelaria MPS ang suspek.

Nakuha pang mag-rap ni J-Skeelz sa loob ng kulungan matapos siyang maaresto. Sinabayan pa siya at pinalakpakan ng ibang detainees.

Tubong Caloocan City si J-Skeelz. —KG, GMA News