KALIBO, Aklan—Tinitingnan sa ngayon ng Barangay Poblacion ng bayan ng Kalibo na magpatupad ng 21-araw na quarantine para sa mga uuwing residente na kinukunsiderang Locally Stranded Individuals (LSIs), o Returning Overseas Filipinos (ROFs) na residente ng komunidad.

Ayon sa nagpanukalang si Barangay Kagawad Mark Sy,  kasalukuyang pinag-aaralan nila ang pagpatutupad nito sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health, Municipal Health Office, at local Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.

Ikinababahala umano ng Kalibo ang lalo pang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Ayon sa Department of Health, may naitalang isang ROF sa karatig lalawigan ng Iloilo na na-infect ng UK variant ng coronavirus na sanhi ng COVID-19.

Batay sa panukala, 14 na araw ang ilalagi ng LSI o ROF sa quarantine facility at ang natitirang pitong araw ay sa kani-kanilang bahay na gugugulin.

Sa tala ng Provincial Epidemilogy Service Unit as of January 26, 2021, umabot na ng 594 na kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Sa nasabing bilang, 20 ang namatay, 60 ang aktibong kaso at ang iba ay nakarekober na. —LBG, GMA News