Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos niyang barilin sa maselang bahagi ng katawan ang kaniyang kumpare sa San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing nasa sala ng kaniyang bahay sa Barangay Aponit ang 54-anyos nang biglang dumating ang salarin at pinagbabaril ang kaniyang kumpare.

Sa kabila ng tinamong tama ng bala sa binti at maselang bahagi ng katawan, nagawa pa rin umano ng biktima na makatakbo at nakaligtas.

Nakakuha ang mga awtoridad ng limang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril sa pinangyarihan ng insidente.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na dati nang nakasuhan ang suspek at ang biktima na may kinalaman sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Ayon kay Police Master Sergeant Aaron Gural, imbestigador, dumating ang suspek na nakaangkas sa motorsiklo.

Bumaba ang suspek sa motorsiklo at pinuntahan ang biktima na nasa sala at doon na nangyari ang pamamaril.

Ayon naman sa anak ng biktima, bago ang pamamaril ay niyaya raw ng suspek ang kaniyang ama na uminom at kumuha ng ilegal na droga.

Pero tumanggi umano ang biktima na ikinagalit ng suspek dahil tila napahiya ito.

Patuloy na tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang tumakas na suspek. --FRJ, GMA News