Kalunos-lunos ang sinapit ng isang binatilyong nagbibisikleta na nasawi makaraaang masagasaan ng isang closed-van sa San Jose, Batangas. Pero bago masagasaan, tumilapon muna ang biktima mula sa kaniyang bisikleta nang tumama siya sa nagbukas na pinto ng isang nakaparadang Elf truck.

Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, kinilala ang biktima na si John Martin Perez, nasawi dahil sa tinamong matinding sugat sa ulo at katawan.

Nangyari ang trahediya sa kalsada ng Barangay Calansayan noong Biyernes ng hapon.

Nakadetine naman sa himpilan ng pulisya ang driver ng nakasagasang van na si Michael Lachica, at ang driver ng Elf truck na siyang nagbukas ng pinto na si Philip Cuga-ay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi umano ng driver ng truck na kakain ito at hindi niya napansin ang nagbibisikletang binatilyo na paparating.

Nang tumama sa pinto ng truck ang biktima, tumilapon ang binatilyo at pumailalim naman sa kasunod na van.

Ayon kay Lachica, mabilis umano ang takbo ng bisikleta at hindi na niya ito naiwasan nang matumba makaraang bumunggo sa pinto ng Elf truck.

Inihayag naman ni Cuga-ay, nakadinig na lang siya ng malakas na kalabog nang buksan niya ang pinto ng kaniyang sasakyan.

Parehong mahaharap sa kaukulang reklamo ang dalawang driver. —FRJ, GMA News