Nasawi ang isang babaeng high school student matapos siyang mahulog mula sa sinasakyang tricycle na overloaded umano sa Buhi, Camarines Sur.

Sa ulat ni Jessie Crusat sa GMA Regional TV News nitong Martes, kinilala ang biktima na si Mary Joy Palado, 16-anyos.

Ayon sa pulisya, pauwi na ang biktima mula sa paaralan nang mangyari ang trahediya sa bahagi ng Barangay San Jose Baybayon.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay dahil sa tinamong pinsala dulot ng pagkakabagsak niya sa sementadong kalsada.

Sinabi ng awtoridad na Iginigiit umano ng driver ng tricycle na nasa loob ng sasakyan ang biktima, taliwas sa impormasyon mula sa mga saksi na nakasabit lang ang dalagita.

Nakadetine na ang driver ng tricycle na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide.

Pupulungin naman ng mga awtoridad ang asosasyon ng mga tricycle driver ng Buhi para ipaalala sa kanila ang mga batas trapiko.-- FRJ, GMA Integrated News