Nasawi ang dalawang pulis, at sugatan ang tatlo pa nilang kasamahan nang bumaliktad nang ilang beses ang kotse na kanilang sinasakyan sa Pamplona, Cagayan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang mga nasawi na sina Police Master Sergeant Bryner Bakidan, 35-anyos, at Police Corporal Edrix Dumaguing, 31, kapuwa residente ng Tabuk City, Kalinga.

Sugatan naman ang tatlo pa nilang kasamahan na pawang nakatalaga sa PNP Aviation Security Group.

Ayon sa pulisya, galing sa Kalingan at patungo sa Laoag City, Ilocos Norte ang mga biktima nang maaksidente sila sa national highway sa bahagi ng Pamplona sa Cagayan.

Naiuwi na sa kani-kanilang pamilya sina Bakidan at Dumaguing.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News