Namatay ang isang lalaki na tumatawid matapos siyang masalpok ng humaharurot na pick-up truck sa Limay, Bataan. Ang driver na nakadisgrasya, tumakas.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, ipinakita ang video footage mula sa dash camera ng isang sasakyan, habang tumatawid ang biktima sa kalsada sa Barangay Lamao nang bigla siyang salpukin ng pick-up truck.

Ang suspek, hindi man lang tumigil para tingnan ang kalagayan ng biktima na tumilapon sa gilid ng daan.

"Mabilis talaga ang takbo ng pick-up at wala siyang intensyon na huminto at panagutan ang kaniyang nagawang pagkakabangga dito sa ating biktima," sabi ni  Police Captain Ernersto Clemente II, hepe ng Limay Police Station.

Hustisya naman ang panawagan ng mga kaanak ng biktima na nakilalang si Rasmo Alonto.

"Sino man siyang nakasagasa sa apo ko, magpakita ka naman, parang awa mo naman. Hindi naman hayop ang apo ko para pabayaan mo," panawagan ni Melanie Alonto, lola ng biktima. -- FRJ, GMA Integrated News