Dalawang lalaking rider ang nasawi--menor de edad ang isa--matapos magbanggaan ang kanilang mga minamanehong motorsiklo sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni Jeric Pasillao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Arenas Boulevard sa Barangay Bued.

Ayon sa Calasiao Police Station, galing sa magkabilang direksyon ang dalawang rider na mabilis ang arangkada nang magkasalpukan.

“Ang cause ng pagkamatay ng isa ay naumpog sa gutter. ‘Yung isa naman, nahulog at tumilapon din siya sa sobrang impact ng aksidente nila,” ayon kay Police Lieutenant Roberto De Vera Jr., duty officer ng Calasiao Police Station.

Mula sa Malasiqui at Dagupan City ang dalawang biktima na hindi na umabot nang buhay sa ospital dahil sa tindi ng tinamong mga pinsala sa katawan.

Ang ina ng nasawing biktima na mula sa Dagupan City na si Marlyn Balanza, labis ang kalungkutan sa sinapit ng anak na inilarawan niyang matulungin.

“Maraming nagmamahal sa kanya, palakaibigan siya, matulungin. Tuwing may nasisiraan ng motor, nandiyaan siya kahit na anong oras,” saad ng ginang.

Paalala naman ni De Vera sa mga rider, "Doon sa mga mahilig mag-drag race, mag-isip-isip kayo dahil iisa ang buhay. Kaya mag-helmet at huwag magpatakbo nang mabilis.” --FRJ, GMA Integrated News