Patay ang isang magkasintahang naka-motorsiklo matapos silang masalpok ng isang police mobile sa Antipolo City, Rizal. Ang lalaking biktima, nagdiwang pa ng kaarawan bago maganap ang insidente.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nakahandusay at wala nang buhay nang datnan ang mga biktimang pawang mga 25 anyos matapos ang aksidente 2 p.m. ng Lunes.
Sinabi ng pulisya na isang police mobile ang nagpapatrol patungong Boso-Boso nang nawalan umano ito ng kontrol at dumiretso sa linya ng motorsiklo na papuntang Cogeo.
“Bago mangyari ang aksidente, malakas ang ulan, at basa ang daan. Noong oras na maganap ang aksidente ay na-lose control 'yung ating mobile patrol habang nagpapatrolya at pumunta sa direksyon na dinadaanan ng motorsiklo at saka ng jeep. Nagkaroon ng collision 'yung motorsiklo sa ating mobile,” sabi ni Police Captain Alnor De Vera Tagara, Chief of Investigation and Operation Section ng Antipolo Component City Police Station.
Tumilapon ang motorsiklo, ang lalaking rider at ang babaeng angkas nito sa lakas ng impact.
“Naabutan po namin doon may dalawang patient na nakadapa pareho sa kalsada. Bale no signs of life na po sila pareho. Nagkaroon sila ng head injury. Then 'yung sa lalaki, possible fracture sa left leg. Then 'yung sa babae, possible fracture sa kanang braso,” sabi ni Louie Cornel, medic ng Barangay Inarawan Rescue.
“Nakakalungkot lang isipin na 'yung rider ay nag-celebrate ng kaniyang karawan bago maganap ang aksidente,” sabi ni Tagara.
Nakaligtas ang driver ng nadamay na pampasaherong jeep, samantalang nagtamo ng minor injury ang pulis na driver ng mobile.
Agad isinailalim sa kustodiya at dinisarmahan ang pulis ng kaniyang mga kabaro.
Tumangging humarap sa media ang nadakip na police officer, habang sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ang panig ang mga kaanak ng mga biktima.
Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente.
Maharap ang nakaaksidenteng pulis sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News