Isang 52-anyos na lalaki ang nasawi matapos na ilang beses na pagsasaksakin at pagtatagain kahit nakatumba na sa Mariveles, Bataan.Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na krimen nitong Huwebes ng gabi.Sa video footage, makikita ang duguang biktima na inaalalayan ng dalawang lalaki habang dahan-dahan silang naglalakad nang paatras.Nakasunod naman sa kanila ang ilang lalaki at maya-maya lang ay nagkagulo na. Naiwan ang duguang biktima at humandusay sa daan.Pero kahit nakatumba na, tinataga pa siya ng mga suspek hanggang sa bawian ng buhay.Ayon sa asawa ng biktima, may nakaaway ang kaniyang mister bago nangyari ang krimen.Ikinuwento naman ng anak ng biktima na nakasaksi sa krimen, na umuwi ang kaniyang ama pero binalikan ang mga nakaalitan."Pag-uwi ng tatay ko bumalik siya, sinundan ko lang po siya para maawat ko. Pagdating ko po dun nagkaanuhan na kami. Nung nakaengkwentro na inundayan na kami ng saksak," ayon sa anak.Nakailag pa raw sila noong dalawa pa lang ang umaatake sa kanila pero dumami pa raw ang mga ito.Ayon sa anak, may dala ring patalim ang kaniyang ama, at mayroon din siyang dalang itak pero panakot lang daw niya sana.Isa sa mga suspek na sugatan din ang naaresto. Patuloy na hinahanap ang iba pa niyang kasama.Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang naarestong suspek, ang pamunuan ng barangay at ang pulisya, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA Integrated News