Dead on arrival sa ospital ang isang 37-anyos na tricycle driver matapos maaksidente sa Antipolo City nitong Linggo ng gabi.
Base sa imbestigasyon, binabaybay ng tricycle driver ang E. Rodriguez Avenue sa Barangay Dalig pasado alas-nuwebe kagabi nang mag-overtake ito umano sa isa pang tricycle, ayon sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Lunes.
Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver. Sumalpok ang kanyang minamanehong tricycle sa gilid ng kalsada at tumaob ito. Nadaganan at naipit ang driver sa nasabing tricycle.
Nang mangyari ang aksidente, nakarinig ang ilang residente nang malakas na ingay ng pagbangga.
Nadatnan nila ang driver na nakabulagta at duguan na naipit sa tricycle.
Ayon sa Antipolo City Rescue, nagkaroon ng severe head injury ang driver.
Itinakbo siya sa ospital ngunit inideklara siyang dead on arrival.
Ayon sa Antipolo Police, self-accident ang nangyari.
Sa lakas ng impact ng pagkabangga, nasira rin ang traffic signage at tumama ang tricycle sa poste ng kuryente. Basag ang windshield ng tricycle at nayupi ang bubong nito.
Napag-alamang taga-Barangay San Jose ang nasawing driver.
Sinisikap ng GMA Integrated News na hingan ng pahayag ang kaanak ng biktima. —KG, GMA Integrated News
