Nakawala at nagsitakbuhan ang mga baboy mula sa isang lumiyab na jeepney sa Magdiwang, Romblon.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa video ni Jane Mutia Romero ang pagtakbuhan ng mga baboy.

Sinabi ng pulisya na namimili ng baboy ang negosyanteng may-ari ng jeep.

Ngunit umusok ang baterya nito at tuluyan nang nagliyab ang jeep. Marahan umanong kumalat ang apoy at umabot sa likuran na kinaroroonan ng mga baboy.

Agad namang nakatugon ang mga awtoridad at natupok ang apoy.

Binuksan ang likod para makawala ang mga baboy. Gayunman, isang baboy ang naiwan sa loob at namatay habang dalawa ang sugatan.

Wala namang napuruhang tao sa insidente. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News