Isang naaagnas na bangkay ng lalaki ang nakita sa loob ng isang nakaparadang kotse sa Talisay City, Negros Occidental. Pero ang bangkay, hindi kilala ng may-ari ng sasakyan.
Sa ulan ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkoles, sinabing nadiskubre ang bangkay nitong Martes ng hapon sa Barangay Efigenio Lizares.
Ayon sa pulisya, isang residente ang napadaan sa nakaparadang sasakyan at may naamoy na masangsang na nanggagaling sa loob nito kaya ini-report sa awtoridad.
Nang buksan ang sasakyan na tinted, doon na nakita ang bangkay ng lalaki na nakapuwesto sa driver’s seat.
Napag-alaman na hindi na ginagamit ng may-ari ang sasakyan kaya nakaparada lang sa lugar.
“Ang sasakyan, tinted kasi siya. Hindi naman masyadong ginagamit ito kasi dalawa naman ang sasakyan nila. Ang battery ng sasakyan na iyan ay ginagawang source of electricity. At first, hesitant nga siyang lumapit,” ayon kay Police Major Rahzl Jim Jocson, deputy chief ngTalisay City Police Station.
Hindi rin umano kilala ng may-ari ng sasakyan ang lalaki, at wala rin daw lock ang sasakyan.
Hinala ng awtoridad, posibleng tinangka ng lalaki na tangayin ang sasakyan.
“Ang isang question diyan bakit? May nakita rin na struggle sa bintana. Hindi natin inaalis ang posibilidad na gusto niyang kunin ang sasakyan. Baka hindi niya alam kung paano makalabas,” sabi pa ni Jocson.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at susuriin ang mga closed-circuit television (CCTV) camera na malapit sa lugar.—FRJ GMA Integrated News
