Sugatan ang tatlo katao, kabilang ang isang menor de edad, na mga nag-e-ensayo matapos silang pagbabatuhin ng mga matitigas na bagay ng isang grupo sa Barangay Luz, Cebu City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na nasa gym ng barangay ang mga biktima nang mangyari ang insidente.

Inabangan ang mga biktima ng isa pang grupo sa labas at pinagbabato sila ng mga matitigas na bagay.

Depensa ng limang nanakit na karamihan ay mga menor de edad, kinutiya sila ng mga biktima noong dumating sila sa gym.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang isa sa mga nanakit, habang inihabilin na sa City Social Welfare and Development ang apat na menor de edad.

Sinusubukan pang kunan ng panig ang mga biktima. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News