Dinala sa ospital ang tatlong magkakamag-anak—kabilang ang isang menor de edad-- matapos silang masugatan sa ginawang pananaksak ng isa rin nilang kamag-anak sa San Manuel, Pangasinan.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Guiset Sur nitong Huwebes.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang isa sa mga biktima at suspek na pareho umanong nakainom.
Sa gitna ng komprontasyon, bigla umanong bumunot ng patalim ang suspek at sinsaksak ang biktima.
Sinubukan naman ng dalawa pang biktima na awatin ang suspek na kamag-anak nila pero sinaksak din sila nito.
Naaresto ang suspek na mahaharap sa kaukulang kaso, habang nagpapagaling sa ospital ang mga biktima.
Wala pang pahayag ang mga sangkot sa insidente, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
