Hindi lamang sa kanilang malaking ambag sa pandaigdigang ekonomiya dapat kilalanin ang mga marinong Pinoy, kundi pati na rin sa mas matibay na suporta para sa kanilang kalusugang pangkaisipan, pinansyal na kapakanan, at pamumuhay pagkatapos ng kanilang pagtatrabaho sa dagat. Ito ang binigyang-diin ng mga tagapagsalita sa Seafarer Social Summit 2026 na ginanap sa Pasay City.
Ang pagtitipon na idinaos noong Hunyo 22 sa Museo del Galeón sa Pasay City bilang pagdiriwang ng International Day of the Seafarer, ay dinaluhan ng mga marino, mga propesyonal sa industriya ng maritime, mga nagnanais na maging marino, at iba pang mga stakeholder upang talakayin ang mga usaping kinakaharap ng maritime community.
Ayon kay Carl King, tagapagtatag ng Seafarer Social, layunin ng pagtitipon na parangalan ang mga sakripisyo at kontribusyon ng mga Pilipinong marino.
“For two years, I spent a lot of time with seafarers and cadets, and I grew to understand how important their role is in the global economy—not only how much they sacrifice, but how much they give,” ayon kay King.
“Our goal is that every Filipino seafarer who walks into this building and everyone who watches our content will feel a sense of pride about being a seafarer and what they contribute to the global economy,” dagdag niya.
Samantala, binigyang-diin ni Joseph Francia, First Vice President at Head of Operations ng GMA International, ang mahalagang papel ng mga marinong Pinoy at kanilang mga pamilya sa pagpapaunlad ng bansa.
"There are 600,000 Filipino seafarers deployed around the world. Sila po, kasama na ang kanilang mga pamilya, ay mga Kapuso natin dahil sila ay tumutulong sa ating ekonomiya, kabuhayan, at sa patuloy na pagpapalago ng ating bansa," saad ni Francia.
Samantala, sinabi naman ni Catherine Logie ng OneOcean-Lloyd's Register, na dapat kilalanin ang Pilipinas bilang isang pandaigdigang sentro ng kahusayan sa larangan ng maritime at hindi lamang bilang pangunahing pinagmumulan ng mga marino.
“The Philippines is a global hub of maritime expertise,” ani Logie. “I didn’t say the number one supplier of crew because I think that’s just reducing crew to numbers. Filipino seafarers have decades of experience and expertise.”
Idinagdag pa niya na nararapat na patuloy na pakinggan at suportahan ng industriya ang mga marino.
“We are here to listen, to support, and actually to thank seafarers for the hard work that they do every day,” sabi pa ni Logie.
Tinalakay rin sa summit ang kahalagahan ng paghahanda sa pananalapi matapos ang mahabang panahong pagtatrabaho sa barko.
Hinikayat ng GMA host Susan Enriquez ang mga marino na mag-invest at maghanda para sa kanilang pagreretiro habang sila ay kumikita pa.
"Pag dumating 'yung mga pagkakataon na kailangan mo na mag-retire, so importante mayroon ka talangang investment, mayroong pupuntahan 'yung pera mo. 'Yung pinaghirapan mo, sabi nga e, katas ng buwis buhay," payo ni Susan.
For fellow GMA host Kim Atienza, mental health remains one of the biggest concerns facing seafarers despite the industry’s economic significance.
Ang TV host na si Kuya Kim Atienza, binigyang-pansin ang usapin ng mental health na nananatili umanong isa sa pinakamalaking pagsubok na kinakaharap ng mga marino.
“They contribute billions of dollars every year. They’re heroes, but many of them are struggling,” ani Atienza.
Bagama't madalas makita sa social media ang mga marino na bumibisita sa magagandang lugar, sinabi ni Atienza na hindi nito naipapakita ang tunay na kalagayan ng kanilang trabaho sa barko, kabilang ang mahahabang oras ng pagtatrabaho.
"It's hard. And mental health is a prime concern for seafarers now because of the napakataas ng incidence ng self-harm at ang depression dahil sa hirap ng buhay nila so dapat suportahan natin itong mga ito because napakalaking pera ang binibigay nila para supprtahan ang kanilang pamilya at ating ekonomiya. But at what cost? They're dying," ani Atienza.
Tampok sa Seafarer Social Summit ang mga talakayan tungkol sa financial literacy, mental wellness, career development, kapakanan ng pamilya, at kinabukasan ng industriya ng maritime.
Ang naturang pagtitipon ay sinuportahan ng Pinoy eSIM, habang nagsilbing media partners ang GMA Pinoy TV, GMA Life TV, at GMA News TV — FRJ GMA News

