Marami ang humanga sa katapatan ng basurerong si Emmanuel Romano sa Baliwag, Bulacan nang isauli niya ang halos P500,000 na pera na nakalagay sa plastik kasama ng mga kinolekta niyang basura. Pero papaano nga ba na ang napakalaking halaga ay nagawang "maitapon" ng may-ari nito?

Napag-alaman na anim na taon ng nagtatrabaho bilang basurero sa lokal na pamahalaan ng Baliwag si Romano. Sa liit ng suweldo, pilit nila itong pinagkakasya sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kaniyang pamilya. 

Bukod dito, maysakit ang kaniyang sanggol na anak, at kailangan nilang ipagawa ang kanilang bahay para hindi ito malubog sa baha tuwing umuulan. Kaya naman malaking tulong sana sa kaniya ang napulot na pera kung kaniyang pinag-interesan.

Gayunman, hindi raw talaga sumagi sa isip niya na pag-interesan o angkinin ang pera na hindi naman daw niya pinaghirapan. Isa pa, iniisip din umano ni Romano na baka mas nangangailangan kaysa sa kaniya ang mga tunay na may-ari nito.

Kaya naman nagtungo siya sa barangay para doon isauli ang pera, at nagkataon naman na may nagreport na tungkol sa tao na naghahanap ng naturang pera.

Sa tanggapan ng alkalde ng bayan, nakaharap ni Romano ang may-ari ng pera. Sa tuwa ng may-ari, binigyan nila ng tulong pinansiyal ang basurero at nangako pa ng ibang tulong.

Dahil din sa katapatan ni Romano, niregaluhan din siya ng lokal na pamahalaan at ginawang regular sa kaniyang trabaho. Naipatingin na rin sa duktor ang maysakit nilang anak.

Paliwanag ng ginang na may-ari ng pera, nakalaan ang pera sa mga bayarin nila at idedeposito sana sa bangko. Pero dahil napagsaraduhan sila ng bangko dahil sa Holy Week, at aalis sila ng bahay ng ilang araw, itinago niya ang pera sa isang supot at tinakpan niya ng mga papel.

Nang umuwi na sila, hindi kaagad binalikan ng ginang ang pera, habang ang kaniyang mister, naglinis naman ng bahay at itinapon ang mga inakalang basura, pati na ang supot na pinaglalagyan ng pera.

Huli na ang lahat nang hanapin ng ginang ang supot, at nagsisihan na sila kung bakit naitapon ang pera. Pero mapalad sila na isang katulad ni Romano ang nakakuha sa pera.

Panoorin ang buong kuwento ng katapatan ni Romano at ang kaniyang buhay sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Click here for more GMA Public Affairs videos

--FRJ, GMA News