Kadalasan nang iniuugnay ang 13 bilang numero ng kamalasan o bad omen, at mas lalo pang natatakot ang ilang tao kapag dumadating ang Friday the 13th. Ngunit saan nga ba nagmula ang paniniwala na malas daw ang 13?
Sa programang "AHA!" inilahad ng sociologist na si Clifford Sorita na walang building na may 13th floor, at walang floor na ang kwarto ay number 13. Pagdating sa mga eroplano, wala ring upuan na numerong 13.
Ang mga Sumerian daw noong unang panahon ay naniniwala na ang 12 ay simbolismo ng isang perfect number. Ito'y dahil ang isang taon ay binubuo ng 12 buwan, at kung hahatiin ang isang araw, ito ay may 12 hours.
Kung kaya naman "off number" na ang 13 para sa kanila.
Pagdating naman sa buhay ni Kristo, si Kristo at ang 12 Apostol ay 13 na kung susumahin. Ngunit nagtakwil ang isa sa Kaniyang mga alagad kaya sinasabing malas ang 13.
Ayon pa kay Sorita, dagdag pa rito na si Kristo ay ipinako umano ng Friday the 13th.
Ang phobia sa sobrang takot sa numerong 13th ay tinatawag na Triskaidekaphobia. —Jamil Santos/LBG, GMA News
