Ang tukso ng kasakiman, kayabangan at idolatriya ang ginagamit ng Diyablo para tayo ay magkasala (Mateo 4:1-11).

Mayroong joke na ang pinakamalakas na bagyo raw ay ang tukso. Nang tanungin kung bakit? Dahil ang tukso ay napakarami nang sinirang tahanan.

Bilang mga Kristiyano, batid natin na ang kasalanan ay walang pinagkaiba sa kalawang. Ang sinomang kapitan ng kasalanan katulad ng kalawang ay walang dudang masisira.

Mababasa natin sa Aklat ng Kawikaan na pinapayuhan ang sinoman sa atin na layuan at tanggihan ang mga makasalanan sakaling akitin nila tayo. (Kawikaan 1:10)

Matutunghayan natin sa Mabuting Balita (Mateo 4:1-11) ang pagtukso ni Satanas sa ating Panginoong HesuKristo nang hindi Siya kumain sa loob ng 40 araw para mag-ayuno.

Makikita natin sa Pagbasa ang pagiging tao ni Hesus sa likas na kalagayan. At kahit Siya ay Anak ng Diyos Ama, hindi pa rin Siya nalibre sa panunukso ng Diyablo. Pero napaglabanan Niya ang tukso.

Nanatili Siyang malinis, walang sala at banal. Hindi Siya nagpadala sa mga pambubuyo ni Satanas at nanatili Siyang tapat sa Kaniyang Amang nasa Langit.

Kapuna-puna sa Pagbasa ang tatlong elementong ginamit ng Diyablo para tuksuhin si Hesus.  Sinabi ng Diyablo kay Hesus na kung Siya nga ang Anak ng Diyos ay gawin Niyang tinapay ang mga bato. (Mateo 4:3)

Ngunit winika ni Hesus, na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa mga salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.

KASAKIMAN:

Ang elemento ng kapangyarihan at kayamanan ang kinasangkapan ng Diyablo para akitin sa kasalanan si Hesus.

Ang tukso ng kasakiman sa salapi at materyal na bagay dito sa mundo ang nagbubulid sa atin sa kasalanan.

Sa pangalawang pagkakataon, muling sinabi ng Demonyo kay Hesus na kung Siya talaga ang Anak ng Diyos ay magpatihulog Siya. (Mateo 4:6)

Subalit muling winika ni Jesus na sinasabi sa kasulatan na huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos. (Mateo 4:7)

KAYABANGAN:

Ang elemento ng kayabangan ang kadalasang ginagamit ng Diyablo upang sobrang bumilib ang tao sa kaniyang sariling talino at kakayahan. Inaakala niyang mahusay o magaling siya at kaya niyang magawa ang mga kamangha-manghang bagay nang sa pamamagitan lamang ng kaniyang sarili.

Sa pangatlo at huling tagpo, muling inakit ni Satanas si Hesus. Sinabi niyang ibibigay niya ang lahat ng kaharian sa mundo at lahat ng kayamanan dito sa lupa kung si Kristo ay luluhod at sasamba sa kaniya. (Mateo 4:8-9)

Ngunit mariing winika ni Hesus sa kaniya na tanging ang Panginoong Diyos lamang ang maaari natin sambahin at paglingkuran. (Mateo 4:9)

IDOLATRIYA:

Ang labis na pagkahumaling natin sa kapangyarihan at mistulang pagsamba natin sa mga taong maiimpluwensiya na parang mga diyos o diyos-diyosan ang pinakamabigat na kasalanan sa tunay na Diyos.

Minsan ay nalalasing tayo sa kapangyarihan at sasamba sa kung ano-ano, sino-sino o saan-saan para makuha lang inaasam. Ang iba ay diyos na ang tingin sa sarili, na isang paglapastangan sa pangalan sa totoo at tunay na Diyos.

Manalangin Tayo: Panginoon, huwag Niyo nawang ipahintulot na kami ay mahulog sa pagkakasala. Tulungan Niyo po kami na maging matatag sa harap ng mga tukso. AMEN.

--FRJ, GMA News