Alin ba ang ating pipiliin at pahahalagahan, ang kayamanan sa lupa o Kayamanan ng Langit? (Mateo 13-44-46).
Minsan may mga bagay ang kailangan natin isakripisyo at isang-tabi, alang alang sa mas makabuluhang bagay.
Ito ang tema ng Mabuting Balita (Mateo 13:44-46) patungkol sa "Nakatagong Kayamanan" na nahukay ng isang tao.
Inihalintulad ng Ebanghelyo ang Kaharian sa Langit sa isang "nakatagong kayamanan," na matapos mahukay ng isang tao ay agad niyang tinabunan.
Tuwang-tuwa ang taong ito kaya't ibinenta niya ang lahat ng kaniyang ari-arian at binili niya ang bukid na pinagbaonan ng kayamanan. (Mt. 13:44)
Ipinagbili ng tao sa kuwento ang lahat ng kaniyang pag-aari kapalit ng kayamanang nahukay niya sa bukid? Ano bang mayroon ang kayamanang nakabaon at isinakripisyo niya ang kaniyang ari-arian?
Ang Kayamanan ng Langit para sa taong ito ang siyang totoong kayamanan.
Sapagkat ang kayamanang ito ay hindi nauubos, hindi nananakaw at hindi nasisira kagaya ng itinuturo sa atin ni HesuKristo na huwag tayong mag-impok ng kayamanan sa lupa. (Mateo 6:19-21)
Mas pinahalagahan ng tao sa kuwento ang Kayamanan sa Langit na inilarawan ng Pagbasa sa kayamanang nahukay niya sa bukid. Sapagkat hindi maibibigay ng kayamanan sa lupa ang totoong kaligayan sa buhay, kapayapaan sa ating puso, katahimikan ng ating isipan, at higit sa lahat ay ang pagkakaroon ng totoong pag-ibig na nagmumula sa ating mga puso.
Maaaring makamit natin ang lahat ng materyal na bagay sa lupa at salapi. Ngunit ano ang maisasagot mo kapag tinanong mo ang ating sarili: Maligaya ba ako? Tahimik ba ang buhay ko? Panatag ba ang isipan ko" Tunay ba akong minamahal ng mga taong kakilala ko o dahil lang sa salapi ko?
Kaya kung ilalagay natin ang ating sarili sa taong nakahukay ng pambhirang kayamanan sa bukid, ano ang pipiliin mo, ang kayamanan sa lupa o ang Kayamanan sa Langit?
Nais din ituro sa atin ng Ebanghelyo na sa ating buhay, may mga oras at materyal na bagay na kailangan nating isakripisyo para sa mga taong mahal natin.
Hindi kaya labis-labis na ang oras na ginugugol mo sa mga gadget? Paglalaro ng online games at social media? Nakakalimutan mo na mayroon kang kasama sa bahay na nais kang kausap, o nais kang makitang may ginagawa sa bahay dahil palatakdaan iyon na natututunan ka na sa buhay.
O baka naman nakakalimutan na natin ang ating obligasyon sa ating Panginoong Diyos. Hindi na tayo nakakapaglaan ng oras para magsimba at makapagdasal.
Inaanyayahan tayo ng Pagbasa na mas pahalagahan natin ang "kayamanang nakabaon sa bukid" sapagkat ito ang nakahihigit kumpara sa kayamanan dito sa lupa.
Manalangin Tayo: Mahal naming Panginoon, nawa'y matutunan namin ang magpahalaga sa Kayamanan sa Langit dahil ito ang kayamanang hindi nauubos, bagkos ito ang magbibigay sa amin ng buhay na walang hanggan. AMEN.
--FRJ, GMA News

