Sa "Sumbungan ng Bayan," dumulog ang isang netizen para humingi ng payo kung legal ba o scam lang ang nakita niyang alok na mabilisang annulment process sa halagang P150,000.

"100% sigurado po tayo na scam 'yan," sabi ni Atty. Pen Cascolan.

Ayon kay Atty. Cascolan, dumadaan sa korte ang mga kaso ng annulment kaya ang mga proseso na hindi nagpakita ang kliyente ay nangangahulugang hindi siya nag-testify, at walang basehan para magkaroon ng desisyon.

BASAHIN: Magkano nga ba ang gastos sa isang annulment case?

Sa aspekto naman ng alok ng "siguradong" resulta, sinabi ni Atty. Cascolan na walang sigurado sa mga korte.

"Otherwise hindi na natin kailangan ng korte kung sigurado na tayo sa outcome. May probability talaga na made-deny 'yan," sabi niya.

Dagdag pa ni Atty. Cascolan, hindi rin garantiya ang "mabilisang" resulta dahil katunayan, may mga backlog ang mga korte sa dami ng kaso.

"Kaya ang pangako na iyan ay hindi tugma sa realidad ng buhay-korte at pag-file ng isang annulment case," sabi niya.

Tunghayan ang buong pagtalakay sa video.--FRJ, GMA News