Nagsimula ang isang ginang sa puhunang P7,000 para magbenta ang mga pre-loved at bagong damit, ngayon, kaya na niyang kumita kung minsan ng P80,000 hanggang P100,000 sa isang araw sa pamamagitan ng online selling.

Sa "Reporter's Notebook," makikita sa gitna ng sala ni Brenda Lyn "Mercy" delos Reyes, 46-anyos, ang mahigit 100 package ng iba't ibang basket na may lamang mga damit.

Isang housewife si Mercy bago siya nagsimulang maging negosyante noong 2019.

"Nagma-'mine' lang din po ako sa ibang mga nagla-live selling. And then na-realize ko, sabi ko, ang dami kong binibili hindi ko naman nasusuot lahat," sabi ni Mercy.

"Sabi ko 'Kaya ko itong gawin. Gawin ko rin kaya mag-online selling ng damit,'" dagdag niya.

Ayon kay Mercy, marami agad siyang nabenta sa kaniyang unang live selling at kinulang ang isang bale o bulto ng mga damit. Ngayon, kulang na ang 10 bale sa kaniyang live selling.

Nagkakahalaga ng P6,000 hanggang P7,000 ang isang bale o bulto ng mga damit. Pero bawing-bawi naman si Mercy na nakakabenta minsan ng P126,000.

Ngunit hindi rin naman biro ang sakripisyo ni Mercy sa live selling na katuwang ang kaniyang mga anak at pamangkin. Inaabot dahil sila ng hanggang 3 a.m. sa pag-invoice lang.

Saglit lamang ang kanilang tulog, dahil kailangan din nilang mag-reply o sumgot sa mga customer at uumpisahang magbalot para sa shipping.

Matapos nito, muling magso-sort ang kaniyang team, magtatahi, at muli siyang tatayo ng apat na oras para magbenta.

Tulad ng ibang negosyo, hindi rin maiiwasan ang bogus buyers o joy miners o mga nag-"mine" pero hindi naman talaga bibili.

Dahil sa pagbebenta online, nakapagpundar na sina Mercy, ng mga bagong gamit sa bahay, napag-aral ang mga anak at nakaipon na rin.

Naitala ng Department of Trade and Industry noong Marso 2021 ang 7,525 na nag-register sa online business, kumpara sa 1,642 lamang noong Marso 2020.

Pero ano kaya ang masasabi ni Mercy sa TRAIN law na nagtatakda na dapat na ring buwisan ang online business. Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News