Isang babae ang humingi ng legal na opinyon tungkol sa sitwasyon niya bilang stepmom sa anak ng kaniyang kinakasama, at pilit daw na pinapaaalagaan sa kaniya ang bata ng kampo ng tunay nitong ina.
Sa programang "Sumbungan ng Bayan," tinanong ng babaeng si "Ysa," kung may karapatan ba siyang tumanggi na alagaan ang anak sa ibang babae ng kaniyang kinakasama.
Nais din niyang malaman kung puwede ba niyang sampahan ng kaso ang mga taong nagpipilit sa kaniya na alagaan ang bata.
"Stepmom po ako bale. Puwede ko bang kasuhan ang ina nung bata dahil ayaw niyang alagaan ang anak niya at ang katwiran nila ay inasawa ko kasi ang ama ng bata," saad ng babae.
Ayon kay Atty. Francis Mangrobang, nakasaad sa Family Code ang pananagutan ng bawat miyembro ng pamilya para sa isa't isa. At kasama sa isinasaad sa batas ang pagbibigay ng suporta sa isa't isa.
Kasama sa tinutukoy sa batas bilang pamilya ang mula sa lolo o lola hanggang sa kanilang apo. Gayundin ang mag-asawa at kanilang mga anak, at pati na sa magkakapatid.
Pero bilang stepmom ng bata na hindi niya direktang kapamilya, puwede umanong tumanggi si Ysa na suportahan ang anak sa ibang babae ng kaniyang kinakasama.
Ang tunay na ina umano ng bata at mga kaanak nito ang dapat na magbigay ng suporta.
"Ysa kung ikaw ay pinipilit nila [alagaan ang bata], ang kasagutan ay puwede kang tumanggi," ayon kay Mangrobang, at nagsabing puwede na magsampa ng kaso si Ysa kung nais niyang ma-reimburse na ginastos sa pag-aalaga sa bata.
Pero maaaari umanong mas may legal na hakbang na magagawa ang anak laban sa kaniyang mga magulang.
Panoorin ang buong talakayan sa isyung pinag-usapan.
--FRJ, GMA News
