Labis na nalulungkot ang isang mag-asawa sa Jaro, Leyte sa ginawa nila sa kanilang 28-anyos na anak na lalaki na inipit nila ang mga paa sa pagitan ng dalawang kahoy na kung tawagin ay "pandog" upang hindi siya makaalis. Ano nga ba ang dahilan sa tila paggapos na ginawa ng pamilya sa lalaki? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing ang pandog ay ginagamit noong unang panahon para igapos ang mga kamay at paa ng mga preso.
Ang lalaki na inipit ang mga paa sa pandog, nakilala na si Christian, na mahigit isang dekada nang "bihag" ng kaniyang sariling pag-iisip.
Napilitan na ang pamilya ni Christian at kanilang mga kapitbahay na gamitan ang pandog ang binata nang minsan atakihin niya ang sarili niyang ama na si Cito.
Inilublob umano ni Christian sa putikan si Cito, at mabuting nasaklolohan ng isa pa niyang anak na si Carlo kaya nailigtas ang kaniyang buhay.
Ngunit hindi lang pala ang ama ang nagawang saktan ni Christian. Maging ang kaniyang ina, minsan na rin palang inatake na lang bigla at pinagpapalo ng tubo nang walang dahilan.
Pang-lima sa 10 magkakapatid si Carlo, na dating nakakatulong pa ng kanilang ama sa pagtatamin.
Pero nang mag-17-anyos ang binata, napansin nila ang pagbabago nito ng ugali na biglang magagalit hanggang sa humantong na sa pananakit nang walang dahilan.
Dahil na rin sa takot ng pamilya na baka bigla na lang sumpungin at mamalo si Christian, ang iba niyang kapatid, sa ibang bahay na nakikitulog.
Inilagay si Christian sa loob ng isang bahay na nakaipit ang mga paa at doon na lang hinahatiran ng kaniyang mga pangangailangan.
Pero dahil nakaipit ang kaniyang mga paa, lagi lang nakaupo o kaya naman ay nakahiga si Christian.
Kung minsan, nakakausap nang maayos si Christian at nagagawa pang humingi ng tulong upang mapakawalan siya sa pagkakaipit sa pandog.
Ngunit sa isang iglap, makikita ang biglang pag-init nito ng ulo at ibinabalibag ang ano mang gamit na kaniyang mahawakan.
Ang ina ni Christian, hindi napigilan na maiyak dahil umaasa siyang gagaling ang kaniyang anak balang-araw at muli nila itong makakasabay sa pagkain.
Napag-alam na dati na nilang ipinatingin sa duktor si Christian tungkol sa problema nito sa pag-iisip pero hindi nila nagawang maipagpatuloy ang gamutan dahil na rin sa kakapusan ng pera.
Ano nga ba ang sakit ni Christian at bakit bigla na lang siyang nagagalit? May pag-asa pa kaya siyang makalaya sa pandog at gumaling? Tunghayan ang kaniyang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS." Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News