Isang 19-anyos na estudyante ang naisipang gawing negosyo ang high-tech na 3D printing para makatulong sa kaniyang pamilya at matustusan ang kaniyang pag-aaral. Ngayon, kumikita na siya ng five digits kada buwan. Magkano naman kaya ang puhunan? Alamin.Sa programang "Pera Paraan," ipinaliwanag ng mechanical engineering student na si Amari Demafeliz, na sa kaniyang 3D printing business, sa halip na ink ang gamit sa pag-imprenta, gawa sa PLA o polylactic acid ang kaniyang nagiging produkto.Ang PLA ay isang klase ng thermoplastic na gawa sa sustainable materials na natutunaw kapag naiinitan.Magdidisenyo si Demadeliz ng 3D model sa isang 3D modeling software, bago i-import sa 3D printer."'Yung 3D printing po is a really diverse business. Kasi pwede po tayong mag-branch out sa mga medical, dental, product development, thesis, prototypes, artistic figurines. In my case po, since student, mostly mga university related po 'yung hawak po. More on school 'yung niche ko po," sabi ni Demafeliz.Pinaka-in-demand sa kaniyang mga iniimprenta ang mga keychain. Naibebenta ni Demafeliz ang kaniyang keychains ng P50 hanggang P100, depende sa dami at laki.Pero bago pa man nito, mulat na sa pagnanegosyo si Demafeliz kahit noong bata pa lamang.Edad 10 siya nang welding at woodworking ang kaniyang maging unang negosyo. Gumagawa siya ng mga furniture kung saan siya natuto ng skills sa paggawa ng items o furniture.Ngunit noong pumasok ng kolehiyo, hindi na niya naisabay ang paggawa ng furniture sa pag-aaral."Nag-isip po ako wherein makakapag-business ako na automatic na siya nagagawa," sabi ni Demafeliz, na agad naisip ang potensyal ng 3D printing.Gayunman, mahirap ang marketing nito dahil wala pang masyadong nakakaalam sa 3D printing. Kaya knowledge sharing ang kaniyang marketing, kung saan nagde-demo siya sa mga event kung paano ito gumagana at kung ano ang kaya nitong gawin.Ginamitan din ni Demafeliz ng artificial intelligence ang negosyo kung saan automated na ang mga response sa mga kliyente.Dahil dito, nababalanse na niya ang kaniyang pag-aaral at negosyo.Halagang P25,000 ang kaniyang ipinuhunan para makabili ng 3D printer, na naipon niya mula sa naunang negosyo.Minsan po, nakapagbigay din po ako sa parents, pagka-need po, and sa mga bills din po," sabi niya."Hindi na po ako masyadong nag-aalala pagdating sa financial since may mga backup na. Hindi na po ako masyadong nahihirapan kasi dati po talaga, kailangan talaga pag-isipan kung ano po 'yung paggagastusan sa hindi po," dagdag niya.Halos tatlong taon na ang kaniyang 3D printing business, may dalawang 3D printer na si Demafeliz at madali na ang kaniyang kita na halos five digits kada buwan."Kung mag-start po tayo ng business, huwag tayo mag-focus solely sa pera or financial. Let's take it as experience po, more on pag-improve natin sa sarili natin. If 'yun po 'yung inisip natin, dadating at dadating lang din naman po 'yung financial," payo ni Demafeliz sa mga kapwa mag-aaral na naiisip magnegosyo. -- FRJ, GMA Integrated News