Sa unang tingin, tila naglalaro lang ang isang babae habang "nagpapaanak" ng teddy bear sa video ng GMA News Feed. Pero ang totoo, medical student ang babae at bahagi ng online internship ang kaniyang ginagawa dahil bawal pa ang face-to-face class bunga ng COVID-19 pandemic.
Nakilala ang estudyante sa video na si Daphne Ibarra, fourth year junior intern medical student.
Bukod sa teddy bear, gumagamit din siya ng manikang sanggol bilang pagsasabay na kunwaring pagpapaanak ng tao.
Sa video, madidinig din kung papaano kausapin ni Ibarra ang teddy bear na katulad kunwari ng isang tunay na tao.
“Mommy, I can already see the head. Push,” saad niya.
Sa isa pa niyang klase, hilaw na karne naman ng manok ang gamit niya sa pagsasanay ng sature o pagtahi ng sugat na kunwaring masilang bahagi ng katawan ng nanganak.
Ayon kay Ibarra, sa ganitong panahon ay dapat nagdu-duty na siya sa ospital.
Pero dahil bawal pa ang face-to-face classes ay kinailangan online lang muna ang lahat.
“Natatakot po ako na grumaduate na puro online lang po yung ginagawa namin. Kasi iba pa rin po yung skill na ma-a-acquire mo one na pumasok ka sa hospital face-to-face," saad niya.
“Kami rin po yung magsa-suffer in a way, na okay kami theoretically. Ang mangyayari skills wise hindi naman kami sobrang confident," patuloy niya.
Tulad ni Ibarra, may pangamba rin ang ilang guro sa pagdaraos ng online classes sa medical students na dapat ay nahahasa ang kasanayan sa aktuwal na lugar..
“There should be physical examinations where they’ll hold parts of the human body,” ayon kay Dr. Mark Sta. Maria, professor sa Ateneo School of Medicine & Public Health.
“If online classes will continue, we can see that medical students will suffer because, of course, they aren’t used to physical examinations,” dagdag niya.
Ang Commission on Higher Education (CHED), nais na isama na ang mga estudyante sa mga prayoridad na dapat mabakunahan kontra COVID-19.
Pag-aaralan naman daw ito ng Department of Health. –FRJ, GMA News
