Kinagiliwan ng netizens ang isang aso na makikitang tila nagdarasal bago kumain sa Imus, Cavite.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita," makikita ang video ni Fernando Bote Jr., nang utusan niya ang Aspin na si Barako na magdasal nang kakain na sila ng iba pa niyang kapwa-aso.

Ipinatong ni Barako ang kaniyang dalawang paa sa upuan at yumuko na parang nagdarasal nang nakaluhod.

Si Bote ang nagsalita ng dasal at nang sabihin niya ang "Amen," ay sabay-sabay nang kumain ang kaniyang mga alaga.

Ayon kay Bote, apat na buwang gulang pa lang si Barako nang turuan niya itong magdasal. Pero plano na rin daw niyang turuan ang iba pa nilang alaga.

Wala pa raw anak si Bote at ang kaniyang misis kaya nakatuon muna ang buong atensiyon nila sa kanilang mga alaga na kinakausap nila na parang tao. --FRJ, GMA News