Hindi inaalis ni Carla Abellana ang posibilidad na umibig muli pero nag-iba na umano ang pananaw niya pagdating sa kasal matapos ang hiwalayan nila ni Tom Rodriguez.

“As a woman, naniniwala ka pa sa love and marriage? Will you ever marry again?” tanong ni Tito Boy kay Carla sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.

“Love, definitely po Tito Boy. I mean ang love po hindi lang ‘yan romantic lang. Love is all around us, there’s family love, love for your career, everything, napakadami po niyan. I feel that, I still believe in love,” saad ni Carla.

Ngunit inihayag ni Carla na nag-iba ang kaniyang pananaw pagdating sa kasal.

“Aminin ko po ang daming nag-change ‘yung mga perspective ko po, especially with marriage. ‘Yun po ang medyo nag-iba po ang aking pananaw or paningin pagdating sa marriage. I really honestly I don’t see myself getting married again. Nag-iba po eh, nabulabog ang aking concept,” pahayag ng aktres.

“You want to fall in love but you don’t want to marry again?” pagklarong tanong ni Tito Boy.

“I hope so. Siyempre I hope naman po that I will experience love again,” sabi naman ni Carla.

Tinanong din si Carla kung saan siya nagkulang at sumobra pagdating sa relasyon nila ni Tom.

“Siguro sobrang magbigay na wala nang natira sa sarili. Kulang, hindi ko po alam, siguro better kung ‘yung isang tao ang makasagot noon, kasi as far as I know, or as far as I’m aware, naibigay ko naman po lahat, and I really fought and gave everything, my all po,” anang Kapuso actress.

“’Yung sobra, sobra sa pagbigay wala nang natira for myself na self-respect, I should also forgive myself, I should also take care of myself. ‘Yung mga ganu’ng bagay na halos wala nang natira sa sarili,” patuloy niya.

Kaya para kay Carla, wala sa tagal ng relasyon ang tunay na pagkakakilala sa isang tao.

"Kung tutuusin, ang alam natin ang tagal ng relationship, you would say na ‘I know the person so well,’ or ‘Kabisado ko na ‘yan, wala nang aalamin o malalaman pa.’ But really wala talaga sa tagal. And there are times when life just happens, unexpected things happen," anang aktres.

“Nandoon po ako sa ‘The longer the better’ para you really get to know the person. They say marriage changes things, na it will reveal some sides of the person that you’ve never seen. Pero hindi na po siya ‘yung ganu’n, wala na siya sa tagal talaga. Hindi na applicable or totoo ‘yung sinasabing ‘I know him or her too well, hindi niya gagawin ‘yun.’ Unfortunately we can still be wrong,” pagpapatuloy ni Carla.

Kaya naman hindi garantiya ang pitong taon nilang magkakilala.

“No matter how confident you are or sure you are na kilala niyo ‘yung tao, may times talaga na magugulat kayo,” saad ng aktres.

Sinabi rin ni Carla na pareho nilang hindi sinubukan ni Tom na makipag-usap sa isa’t isa.

“Partly because choice namin po ‘yun, choice ko po ‘yun. I do not reach out to him. And he hasn’t naman din attempted or tried to reach out. Basta hangga’t may choice po ako kasi talagang no communication,” pahayag.

Oktubre 2021 nang magpakasal sina Carla at Tom matapos ang ilang taon nang pagiging magkarelasyon. Pero ilang buwan matapos ang kasal, nagkaroon na ng problema sa kanilang pagsasama. --FRJ, GMA Integrated News