Inihayag ni Sanya Lopez na gusto na niyang magka-boyfriend ngayong 2023, na magseseryoso sa kaniya at hindi makikipaglaro lang.

“Gusto mo bang magka-boyfriend this 2023, yes or no?” tanong ni Tito Boy sa pagsalang ni Sanya sa Fast Talk segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Yes!” ang naging malakas na tugon ni Sanya.

Sa naturang segment, inilahad ni Sanya na “mabait” ang kaniyang ideal boyfriend. Ilan sa mga katangiang kaniyang pipiliin ang mas mature, tisoy, guwapo, cool guy at “huggable.”

Wala raw problema kung showbiz o non-showbiz ang kaniyang magiging nobyo.

Gayunman, dapat daw seryoso na ang lalaki at hindi na nakikipaglaro lang.

“Lord, ibigay niyo na sa akin ‘yung alam kong karapat-dapat para sa akin. Hindi ako nagmamadali, pero alam ko na ibibigay ‘yun sa akin sa tamang panahon. Kailangan seryoso na ‘yung tao sa akin, kailangan hindi na tayo naglalaro,” sabi ni Sanya.

Sa panayam sa kaniya ni Tito Boy, binalikan ni Sanya ang mga kritisismo na kaniyang natanggap nang mapili bilang kapalit ni Marian Rivera para sa “First Yaya.”

“Marami na ang nagdududa na talaga sa akin pero lagi kong iniisip na galingan mo lang sa ginagawa mo. Kahit hindi makita ng mga taong ito, alam mong may nakatingin sa ‘yo (turo sa taas) na gingawa mo ang best mo,” anang aktres.

Nang tanungin kung ano ang pinakamasakit na nasabi sa kaniya, “Na hindi ko deserve ang lahat ng mga makukuha ko, dahil may mga mas karapat-dapat, may mas sikat,” saad niya.

“Pinagdadasal ko na lang Tito Boy kasi ayoko rin makataan ako ng kahinaan ng family ko,” lahad ni Sanya. “Kasi nasanay ako na kami ‘yung tumatayo ng kapatid ko. Si mommy ko, kumbaga dapat ‘Lahat tayo strong sa family. Dapat hindi tayo makitaan ng ganito, na mahina tayo.’ As much as possible, ipagdasal na lang natin tapos, malay mo, makatulong pa ‘yung ibang comments ng ibang tao para mas galingan mo pa.”

Payo ni Sanya sa sarili: “Hangga’t kaya ko na kontrolin kung ano man ‘yung feeling ko na magpapa-down pa sa akin, mas hine-help ko ang sarili ko. ‘Kaya mo ‘yan, kinakaya ng iba, bakit hindi mo kayanin?’” -- FRJ, GMA Integrated News