Inihayag ng state weather bureau na PAGASA na isa pang namumuong sama ng panahon ang binabantayan at may posibilidad na maging super typhoon. Inaasahan itong papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa huling bahagi ng linggong ito.
Sa ulat nitong Martes, sinabi ng PAGASA na ang nasabing sama ng panahon na kasalukuyang isang tropical depression, ay namataan sa layong 1,985 kilometro silangan ng Hilagang-silangang Mindanao dakong 10:00 am.
Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20 km/h, taglay ang lakas ng hangin na 55 km/h malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 70 km/h.
Kapag pumasok na ito sa PAR na maaaring sa Biyernes ng gabi o Sabado, papangalanan ito na “Uwan”, ayon sa PAGASA.
Inaasahan din ng PAGASA na lalakas pa ang bagyo at posibleng maging super typhoon sa darating na weekend, na may taglay ang pinakamalakas na hangin na higit sa 185 km/h.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing batay sa pagtaya ng PAGASA, posibleng tumbukin ng susunod na bagyo ang Luzon pero maaari pa umanong magbago ang direksyon nito.
"Although not yet within the forecast range of this advisory, the TC Threat Potential Forecast from PAGASA indicates that the possibility of a landfall scenario over the country is becoming more likely. However, the exact landfall location and time remain highly uncertain, considering that the forecast is more than five days ahead," ayon sa PAGASA.
Simula Sabado, asahan na ang maalon hanggang sa mas malalaking alon sa karagatan sa hilaga at silangang baybaying bahagi ng bansa, dagdag pa ng PAGASA.
Sa kasalukuyan, patuloy na nakakaapekto sa ilang bahagi ng Visayas at Luzon ang bagyong Tino at inaasahang lalabas ng PAR sa Miyerkules ng gabi o madaling-araw ng Huwebes. – FRJ GMA Integrated News
