Nabulabog ang isang paaralan sa Quezon City nang magwala at himatayin ang nasa 50 high school students.  Pangamba tuloy ng ilan, baka sinapian ang mga estudyante pero itinanggi ito ng isa sa mga mag-aaral na kasamang nawalan ng malay.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV "SONA" nitong Biyernes, ipinakita ang  video na kuha sa cellphone sa loob ng paaralan habang pinapalibutan ng ilang guro at estudyante ang tatlong mag-aaral na kasama sa mga nagwala at hinimatay.

Bago umano magwala ang mga estudyante, nakaramdam mula sila ng pananakit ng tiyan.

Ang isang ina na tumulong sa paghawak sa mga estudyante, nagtamo ng mga pasa sa katawan.

Ayon sa kaniya, mismong ang mga mag-aaral na ang nagkakasakitan dahil sa pagwawala ng mga ito.

Dahil sa pangyayari, nangamba ang mga magulang ng mga estudyante at may mga nag-isip na baka sinapian sila ng masamang espiritu.

Pero ayon sa isang estudyante na hinimatay, hindi siya sinapian. Sadya lang daw na hindi niya kinaya ang labis na init ng panahon.

Wala namang opisyas ng paaralan na nagbigay ng pahayag tungkol sa nangyari.

Pero ayon sa isang guro, pumapasok daw kasi ang mga bata na walang laman ang sikmura at biglang iinom ng palamig sa kantina.

Gayunman, hindi niya maipaliwanag kung bakit nagkasabay-sabay ang insidente.

Nag-imbita naman umano ang paaralan ng isang pari para bendisyunan ang compound. -- FRJ, GMA News