Pumatok sa social media ang isang video na makikita ang isang "rider" na walang suot na helmet habang umaarangkada sa kalye. Pero nang makita nang malapitan ang "rider," natuklasan na bisikleta pala ang sinasakyan nito at hindi tunay na motorsiklo.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, natunton sa Davao City ang kinaroroonan ng lalaki sa viral video na nakilalang si Kenny Niño Himultan, 31-anyos.

Ayon kay Himultan, miyembro ng isang bike group sa lungsod, nagulat siya nang mag-viral ang video.

Naisip daw niyang gawin na mukhang motorsiklo ang kaniyang bisikleta dahil lagi silang sumasali sa parada tulad ng selebrasyon ng Araw ng Davao at Kadayawan Festival.

Maliban sa hilig niya sa bisikleta, mahilig din siya sa music kaya naisipan niya na lagyan ng compartment ang kaniyang bike tulad ng mga motorsiklo.

Sa compartment inilalagay ni Himultan ang mga baterya at maging ang speaker para sa magkaroon ng sound system sa kaniyang bisikleta.

Kung tutuusin, simple pa ang motor-bike na nakita sa viral video dahil may ginagawa pa siyang ibang bersyon nito na mas mukhang motorsilo na dahil may headlight at break light.

Gawa sa plywood ang katawan ng kaniyang bisikletang mukhang motorsiklo, at tinayang nasa P8,000 hanggang P10,000 ang kakailangan para maging astig na "motor-bike" ang bisikleta. -- FRJ, GMA News