Kahit ang mga hayop na pinabayaan na ng kani-kanilang amo, nakaramdam din ng diwa ng Pasko matapos makatanggap ng "regalo" sa isang grupo ng mga magkakaibigan.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Huwebes, sinabing mahigit 200 aso at pusang-gala sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila ang pinakain ni Regie Manio at ng kaniyang mga kaibigan.

Habang lumalapit nga raw sila, ilang aso ang tila nasasabik na sa dala nilang pagkain.

"Nag-start ako sa animal welfare as a volunteer.  Nagfe-feed lang ako yung sa neighbourhood lang or 'pag may nakita lang na stray.  Tapos naisip ko why not do it a little bigger this holiday season. Then I asked my friends, and some donors, they donated. Tapos 'yung mga volunteers na nag-feed," kuwento ni Manio.

Sabi pa ni Manio, layunin ng ginawang pagpapakain sa mga aso at pusang gala na mabuksan ang mata at mga puso ng mga tao na magmalasakit sa mga hayop.

"We co-exist with these stray animals na puwede nating tulungan sa pinakamaliit na paraan ay sa kanilang tatatak habambuhay," sabi niya.--FRJ, GMA News