Natural lang daw sa mga bata na maglaro na mag-isa upang libangin ang kanilang sarili. Pero papaano nga ba malalaman kung talagang "imaginary friend" lang ang kalaro ng bata at hindi isang maligno o kakaibang nilalang?
Sa programang "Dapat Alam Mo," sinabi ni Evangeline na bata pa lang si Mikaela, 11-anyos, ay nakikita na niyang naglalaro ito na tila may kasama kahit nag-iisa lang.
Dahil nakikita naman niya na masaya ang bata, hinayaan lang niya ito. Pero habang lumalaki na si Mikaela, napansin niya na mayroon na rin itong kinakausap kahit mag-isa lang.
Ayon kay Mikaela, nagsimula ang pagiging magkaibigan nila ng kakaibang nilalang nang minsang gisingin siya nito.
"Sabi ko po matutulog na ako kasi may school pa po ako kinabukasan. Sabi niya saglit lang po, eh di nakipagkuwentuhan po ako. 'Yun tapos tumagal po," sambit ng bata.
Paglalarawan ni Mikaela, mahaba ang buhok ng kaniyang "kaibigan" pero istayl umano ng lalaki.
Ngunit lalo raw kinabahan si Evangeline nang makita na niya mismo ang kamay ng kakaibang nilalang na dumapo sa pisngi ni Mikaela.
"Yung kamay niya nakita ko talagang lumapat sa face," sabi ni Evangeline, na nagpahayag din na may nakikita siyang anino sa kanilang bahay.
Para malaman kung ano ang misteryosong kalaro ni Mikaela, nagsagawa ng imbestigasyon sa bahay ng mag-ina ang paranormal researcher na Ed Caluag.
Pero sa ginawang pagsisiyasat ni Ed, lumilitaw na hindi lang isa kung hindi dalawa ang kakaibang nilalang na nasa bahay ng mag-ina-- at ang isa ay kay Evangeline nakabantay.
Kung ano ito, panoorin ang nakakakilabot na kuwento sa video.--FRJ, GMA News
