May magsasaka, factory worker, at dating OFW. Ilan lang sila sa 433 na mananaya na sama-samang nanalo sa isang draw ng Grand Lotto 6/55. Ano kaya ang masasabi nila sa kanilang panalo na pinagdududahan ng ilan?
Umabot ang jackpot prize sa naturang draw sa P236.091 milyon. Pero dahil sa dami nilang nanalo, hindi na aabot sa P500,000 ang maiuuwi nilang premyo. Sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PSCO) nila dapat kunin ang premyo.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing unang pagkakataon sa kasaysayan ng lotto o lottery, hindi lamang sa kasaysayan ng Pilipinas, kundi pati sa buong mundo, ang naturang dami ng mananaya na tumama ng jackpot sa isang draw.
Ikinuwento ng isang tumama na itinago sa pangalang "Baby," na hinanap niya sa Google ang kaniyang lucky number na 9.
Sa Ormoc City, Leyte naman, sinabi ng magsasakang si "JR," na dalawang dekada na niyang inaalagaan ang kaniyang mga numero.
"18 years old pa lang ako noon, 41 na ako ngayon. Matagal na rin 'yung inaalagaan, kasama rin sa iba't ibang combination na tinatayaan namin," sabi ni JR.
Sa Quezon, naglakas-loob naman si "Berting," na itaya sa lotto ang natitira niyang P50.
Sa bola ng 6/55 lottery noong Sabado, October 1, lumabas ang winning number combination na 09-45-36-27-18-54 na may tumataginting na P236,091,188.40 na premyo.
Pare-parehong nanalo sina Baby, JR, at Berting, tulad ng 430 pang katao, na maghahati-hati sa halagang P436,196, kasama na ang 20% kaltas sa tax.
Dalawang araw matapos nito, dumagsa na sa tanggapan ng PSCO ang ilang mananaya na kabilang sa 433 na nanalo sa Grand Lotto 6/55 draw.
https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/balita/846808/kabilang-sa-433-na-tumama-sa-p236-m-grand-lotto-6-55-kumubra-na-ng-premyo/story/
"Umiyak na po ako, 'Milyonaryo na tayo.' Pero nakita ko 'yung lumabas 'yung 433, in-ignore ko pa rin," sabi ni Baby.
Sinabi ni Berting na sumagi sa isip niya na sinuwerte siya pero minalas pa dahil marami siyang kahati.
"Pero hindi ko na pinag-iisip nga kasi, 'Binigyan na kita ng biyaya, sisisihin mo pa Ako?' Sabi ko salamat," sabi ni Berting.
Si Nanay Marina Lopez, dating nurse sa Libya, kasama rin sa mga nanalo, pumayag na humarap sa "KMJS."
Taong 2014 nang ma-repatriate si Nanay Marina nang sumiklab doon ang giyera. Magmula nito, naubos ang kaniyang ipon mula sa ilang taon na pagtatrabaho.
Dumagdag pa sa krisis ng kanilang pamilya ang pagkakaroon ng malubhang sakit sa puso ng kaniyang kapatid, na nangangailangan ng mahigit P614,000 sa pagpapagamot.
"Hindi po ako nanghihinayang. Alam ko po na kahit paano, makakatulong iyon," sabi ni Nanay Marina, kahit meron siyang mga kahati sa premyo.
"Nagpapasalamat na lang po ako sa Diyos kahit paano. Malaking bagay iyon sa amin," dagdag ni Nanay Marina.
May panawagan sa Senado na imbestigahan ang nangyaring bola sa lotto.
Ayon din sa statistician na si Prof. Dominic Dayta, isa lamang ang winning combination sa 28,989,675 na mga posibleng kombinasyon. Gayunman, lumabas sa pag-aaral noong 2016 na kasama ang "lucky 9" combination sa Top 30 na kadalasang mga numerong tinatayaan ng 0.03% ng mga mananaya sa lotto.
Para naman sa pamunuan ng PCSO, iginiit nila na wala silang nakitang anumang iregularidad sa nangyaring bola ng lotto. Bukas daw ang ahensiya sa isasagawang imbestigasyon ng Senado. --FRJ, GMA News
