Nabulilyaso ang tangkang panloloob ng dalawang lalaki sa isang bahay sa Laoag City, Ilocos Norte nang makatitigan ng isa sa kanila ang isang lalaki na nakatira sa loob ng bahay.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, makikita sa CCTV camera sa loob ng bahay ang dahan-dahan na pagpasok ng isang lalaki. Habang naiwan naman sa labas ang isa pa.

Mula sa sala, lumapit ang kawatan sa nakasarang kuwarto. Pero hindi nagtagal, napatigil ang lalaki at dahan-dahan na bumalik sa pintuan at kumaripas na umano ng takbo ang dalawa.

Nakita pala ng kawatan na may tao sa loob ng bahay kaya sumibat na ito.

Kuwento ni Jericho Madronia na nakatira sa bahay at nakakita sa kawatan, "Paglabas ko may nakita akong tao. Tapos tinitigan ko muna."

"Tinawag ko siya, 'Kuya.' Tapos nagtitigan muna kami. Parang nagulat siya na nung nakita niya ako, tapos nagmamadaling lumabas," patuloy ni Madronia. --FRJ, GMA Integrated News