Humingi ng paumanhin sa mga awtoridad ang isang 21-anyos na babae sa Puerto Princesa City, Palawan matapos niyang aminin na inimbento lang niya ang kaniyang kuwento na ni-rape siya.

Sa ulat ni Jhun Bantaculo sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabi umano ng babae na itinago sa pangalang "Gemma," na nagawa lang niyang mag-imbento na na-rape siya ng tatlong lalaki para mapansin ng kaniyang kinakasama.

Una rito, iniulat na sakay umano ng tricycle si Gemma nang pagsamantalahan siya ng tatlong lalaki.

Kaagad na nagsagawa ng imbestigasyon ang Police Station 2 para mahanap ang mga suspek. Pero lumitaw na hindi totoo ang sumbong, na kinalaunan ay inamin din ni Gemma.

 

 

Idinahilan ng babae na kulang umano ang atensyon na ibinibigay sa kaniya ng kaniyang kinakasama kaya gumawa siya ng kuwento upang subukan kung mahal pa siya nito at nagmamalasakit.

Madalas din umano silang magtalo ng kaniyang nobyo ay hindi rin tinutulungan sa kanilang mga pangangailangan.

Nagbabala ang pulisya na maaaring maharap sa reklamo ang mga taong gumagawa ng kuwento.--FRJ, GMA Integrated News