Laking gulat at nangilabot ang isang magpinsan sa Candoni, Negros Occidental nang makita ang produkto ng kanilang selfie habang magkaangkas sila sa motorsiklo. Sa larawan kasi, lumabas na may ikatlong babae na nakiangkas sa kanila sa biyahe habang nasa ibabaw ng tulay. Sino ang babae na umano’y multo na nahuli-cam nila?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ng 19-anyos na si Nikka, na maghahatid ng pensiyon sa kanilang kaanak ang pinsan niyang si Lyneth.
Kaya naman nagmotorsiklo sila at si Lyneth ang nagmaneho. Pero dahil mahilig mag-selfie si Nikka, hindi niya pinalampas ang pagkakataon na mag-picture silang magpinsan habang nasa biyahe.
Habang binabagtas nila ang Haba bridge, kumuha ng ilang larawan si Nikka na kasama si Lyneth. Pero nang tingnan na nila ang karawan, doon na nila nakita ang ikatlong babae na nakaangkas sa kanila.
“Na-shock ako bakit ganun tatlo kami, eh dalawa lang kami [sa motorsiklo],” nagtatakang tanong ni Nikka.
Hinala nina Nikka at Lyneth, baka kaluluwa ng kaibigan nilang si Jasmin ang nagpakita sa larawan.
Pumanaw si Jasmin dahil sa karamdaman noong 2023.
Ipinakita sa lola ni Jasmin na si Jenny ang larawan na kuha ni Nikka. Naniniwala si lola Jenny na ang apo niya ang nakiangkas kina Nikka.
Ayon kay Nikka, dalawang taon na niyang hindi nadadalaw ang puntod ng kaibigan dahil sa pagiging abala niya sa pag-aaral.
Ngunit ang ibang nakatira malapit sa tulay, iba ang naiisip na babae na posibleng nagpaparamdam sa tulay. Kung tutuusin daw kasi, isang dekada nang may nagpaparamdam sa tulay kaya natatakot ang mga motoristang dumadaan dito.
Nagsimula raw may magparamdam sa tulay nang may maaksidente ritong magkapatid na nakasakay sa motorsiklo noong 2014. Nasawi sa aksidente ang isang babaeng nursing student, habang naputulan ng paa ang kaniyang kapatid.
Hinihinala ng ilang residente, ang nasawing nursing student ang siyang nasa litrato ni Nikka, at hindi si Jasmin.
Nang ipakita kina Nikka at Lyneth ang larawan ng nasawing nursing student, nagulantang sila.
“Siya talaga yung nasa picture. My God. Kamukha nga niya,” sambit ni Nikka.
Maging si Lyneth, naniniwala na mas kamukha ng nursing student ang babaeng nakiangkas sa kanila kaysa sa kanilang kabigan na si Jasmin.
Para malinawan ang misteryo ng larawan at kababalaghan sa tulay, nagsagawa ng imbestigasyon ang faith healer na si Brother Junel. Ano kaya ang kaniyang matutuklasan? At nanininiwala kaya ang pamilya ni nursing student na kaluluwa nito ang nagpakita sa larawan ni Nikka? Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng “KMJS.” – FRJ GMA Integrated News
