Inamin ni Sofia Pablo na nag-alinlangan siyang sumali noong una sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0."
Sa pinakabagong episode ng "Your Honor," sinabi ng Kapuso star na madalas pa siyang magalit sa kaniyang ka-love team na si Allen Ansay dahil hinihikayat siya nitong sumali sa reality show.
"'Pag sinasabihan niya kong 'Mag-yes ka na sa PBB, nagagalit talaga ako na, 'Hindi mo ko naiintindihan!'" sabi ni Sofia sa podcast.
Ayon pa kay Sofia, tinanggihan niya noong una ang alok na sumali sa PBB.
"Natatakot ako kasi siyempre, hindi naman lahat ng nangyayari sa loob naeere," paliwanag niya.
Nangangamba rin siya nab aka magkaroon ng video clips na iedit ng fans na maaaring mabago ang tunay na konteksto ng kaniyang mga kilos o sinabi.
"Pangit pakinggan pero bad edits, tapos ma-upload sa TikTok, tapos masira lang ako lalo. Spliced," sabi ni Sofia.
"Lagi na akong naano sa ganyan, na fake issues. Tapos ilalapit ko 'yung sarili ko sa show na makikita ako 24/7, tapos 'di ko alam ano kakalabasan," dagdag niya.
Samantala, sinabi naman ni Allen Ansay na gusto niyang makita ng publiko ang tunay na pagkatao ni Sofia na isang masayahin, masipag sa gawaing-bahay, at mahusay magluto, bukod sa iba pang magagandang katangian nito.
Ayon din kay Allen, makatutulong ang PBB sa personal na paglago ni Sofia.
Na-evict si Sofia mula sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" noong Enero kasama si Eliza Borromeo.
Tumagal siya ng 99 araw sa loob ng bahay ni Kuya at nagpahayag ng kasiyahan at katuparan sa kaniyang naging karanasan sa programa.
Samantala, sina Caprice Cayetano at Lella Ford ang itinanghal na Big Winners sa naturang edisyon ng PBB.—Nika Roque/FRJ GMA News
