Inalmahan ng Megastar na si Sharon Cuneta ang pagpapakita ng larawan nila ng kaniyang pamilya sa idinaos na press conference nitong Martes ng umano’y mga dating bodyguard ng dating kongresista na si Zaldy Co. Sa naturang pagtitipon, muling nagbanggit ang mga dating bodyguard ng mga pangalan ng mga opisyal at personalidad na tumanggap daw ng pera mula sa dati nilang amo.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras," sinabing nagpakita ng mga larawan ang mga dating bodyguard habang nasa hangar sila ng Misibis Aviation na pag-aari ni Co.

Sa isang larawan, makikita ang mga maleta na may laman umanong pera na sinasabing ide-deliver sa mga politiko at opisyal.

May larawan din na makikita sina Sharon at kaniyang pamilya, kasama ang mister niya na si Senador Kiko Pangilinan, at nandoon din ang mga empleyado umano ni Co.

Gayunman, walang detalye na ibinigay tungkol sa naturang larawan ng mag-asawang Sharon at Kiko.

Sa Facebook post, sinabi ni Sharon na bumisita noon ang kaniyang pamilya sa Marawi upang pasalamatan ang mga lokal na opisyal dahil sa pagkapanalo ng kaniyang asawa sa 2025 senatorial elections.

"Mga sinungaling!!!!!!! Sobra talaga kayo!!!!! I vlogged about this visit my family and I made to Marawi to thank the Governor, Mayor, and other officials and their families for their support for Kiko," saad ni Sharon sa post.

"Talaga ba, magbibigay kayo ng maleta sa amin sa Marawi pa???!!!" dagdag ng aktres.

Giit niya, patuloy siyang nagtatrabaho at nagta-taping, at pinaghirapan nila kung ano man ang mayroon sila ngayon.

“Hindi kami tulad ninyong mga sinungaling! kaya sabi nga nila, kapatid ng sinungaling ang magnanakaw! bahala na ang Panginoong Diyos sa inyo,” patuloy ng aktres.

Sa hiwalay na post, nagbabala naman si Pangilinan na pananagutin niya ang mga nasa likod ng pagpapakita ng larawan ng kaniyang pamilya sa naturang pagtitipon.

“Dahil dinamay ninyo pa ang pamilya ko, makakatikim kayo ng hindi pasaring, alegasyon, o palabas na kaso sa korte. Pananagutan ninyo ang paninirang ginagawa ninyo,” ayon kay Pangilinan sa pahayag.

Hinala niya, ang paninira laban sa kaniya ay may kaugnayan sa napaulat na itatalaga siyang Senate Blue Ribbon subcommittee chairperson, na nagsisiyasat sa flood control scandal. —Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News