Kinumpirma ng abogado ni Bea Alonzo ang civil wedding ng aktres at nobyo nitong negosyante na si Vincent Co. Mayroon din umanong nilagdaang prenuptial agreement ang dalawa.

Sa ipinadalang mensahe sa GMA News nitong Martes, sinabi ni Atty. Joey V. Garcia ng GERA LAW, na ikinasal sina Bea at Vincent sa isang civil wedding ceremony na ginanap sa Makati City Hall dakong 7:00 pm nitong Lunes.

Si Makati City Mayor Nancy Binay umano ang nanguna sa seremonya ng kasal ng dalawa.

May nilinaw din ni Garcia tungkol sa mga lumabas na espekulasyon ng publiko tungkol sa prenuptial agreement.

"The earlier reports suggesting that there was any dispute, hesitation, or unresolved issue concerning a prenuptial agreement are not accurate," ani Garcia.

Idinagdag niya na malaya at walang naging legal na hadlang kaugnay ng pagpirma sa kasunduan ng mag-asawa.

"I must state clearly and unequivocally, for the record and in fairness to all concerned, that a prenuptial agreement was duly signed executed and entered into freely and voluntarily by the contracting parties, Ms. Bea Alonzo and Mr. Vincent Co, without issue," dagdag ni Garcia.

Agosto 2025 nang kumpirmahin ni Bea ang relasyon nila ni Vincent. — FRJ GMA News